May mga bagay sa mundo na nangyayari, taliwas sa kagustuhan natin. Hindi ito kasama sa mga plano natin. Biglaan. Aksidente. Nakakagulat. Parang lindol, bigla-bigla nalang dumadating ng walang babala, kabastos wala manlang pasabe, parang aso dadating at aalis kung kailan niya gusto. Pero hindi naman tumatahol ang lindol, ito ay dumadagundong ng biglaan, at nagdudulot ng napakalaking pinsala na kailanman ay mahirap nang kalimutan. Ang tanging makakapaghilom ng sugat na dulot ng lindol ay panahon lamang, minsan mahaba, minsan maikli, pero madalas mahaba eh, minsan mas mahaba pa, napakahaba. Isa pang nakakatulong ay ang pagtulong ng mga karatig bayan, minsan karatig bansa. Sa pamamagitan ng tamang panahon at pagtutulungan ay makakaahon ang napinsala kahit paunti-unti, hindi man napapansin ay sa paglipas ng panahon ating makikita na ang kahit anong bakas ng trahedya ay nabura na, natakpan ng paglipas ng oras. Kaya kung sa panahong ito ikaw ay dinatnan, hindi ng buwanang dalaw kundi ng lindol sa buhay mo (HINDI LITERAL, WAG KANG PILOSOPO!), ay huwag kang mawawalan ng ni katiting na pag asa sa puso mo, sapagkat panahon at kasama lamang ang kailangan mo. Oras para magisip at mabigyan ng solusyon ang iyong dinadala, at maibaon ito sa kaibuturan ng iyong ala-ala, ngunit wag ka nang magtangkang tumakas sa problema, sa pagkat kahit ilang milyong panahon pa ang ibigay sayo, mananatili kang hahabulin at mahahanapan ng bagay na pilit mong nilalayuan. Harapin mo ito, sa pagharap mo rito, dapat handa ka na sa pwedeng mangyari, hindi lahat ng gusto mo nangyayari, kaya dapat ihanda mo ang iyong sarili. Tatagan mo lang ang loob mo. Kaya mo yan. Ikaw pa.
Pero alam ko hindi mo kaya mag isa. Kaya huwag kang maangas dyan na magisa mong haharapin ang kalaban. May mga kaibigan ka gago! May magulang ka na andyan lang na hindi mo pinapansin, matuto kang humingi ng tulong tanga; tao ka lang kaya. Sa pakikipagdamayan ka nabubuhay; sa pakikisalamuha. Sa ibang tao mo lang mararamdaman ang tunay na diwa ng iyong pagkatao. Kaya wag mong kalilimutan na ikaw, panahon, at tanging mga taong abo't kamay mo lang ang makakapagsalba ng dating ikaw. Makakabalik ka pa sa kinagisnan mong buhay. Isa pa, wag kang umasa na lahat ng problema matatanggal mo sa buhay mo. Parte ng buhay yan ungas, asa ka pang mawala lahat. Parang isda yan, napakasarap, lalo na pag isinabay mo pa sa kamatis na may bagoong, lagyan mo pa ng sibuyas, nako nakakatakam! Pero hindi mo makakain yang masarap na yan, nang hindi nagtatanggal ng tinik. Sa tuwing kakain ka nitong napakalinamnam na ulam na ito hinding hindi mo maiiwasan na may tinik ito. Parang ang buhay, kakabit na nito ang mga suliranin na dapat mung harapin upang iyong matikman ang sarap ng isda at maisawsaw mo na sa kamatis na may bagoong. Kaya harapin mo kung anumang pagsubok na humaharang sa daan mo, kasi pag di mo hinarap yan, mananatili yan na harang sa kalyeng iyong tinatahak at siguradong hindi mo mararating ang gusto mong puntahan pag umatras ka. Wag kang duwag! Mga bubwit at ipis lang ang naduduwag. Hindi ka bubwit. At lalong ayaw mong magisng ipis. Kaya laban kapatid!
- SHADOW